COVID-19 salot sa mundo

Habang tumatagal ay lalong dumarami ang mga bansang naapektuhan ng coronavirus di­sease 2019 o COVID-19 at lalong tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit at namamatay matapos dapuan nito.

Hindi lamang buhay at isyung pangkalusugan ang pinsalang idinudulot ng COVID-19 sa mga taong dinadapuan nito kundi pati na ang hanapbuhay at ekonomiya ng isang bansa.

Gaya na lamang sa Pilipinas, bagamat wala pang naitalang local transmission ang Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease, ang kabuhayan naman ng 300 manggagawa ng Philippine Airlines (PAL) ang nakompromiso matapos ma-retrench dahil sa bagsak na kita ng kompanya.

Natigil ang biyahe ng nabanggit na kompanya sa mga bansang mayroong presensiya ng COVID-19, at hindi naman muna pinapapasok sa Pilipinas ang mga turistang nagmula sa mga bansang mayroong COVID-19.

Maraming mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa ang sumakit ang ulo at nanga­mbang mawalan ng trabaho matapos magpatupad ng travel ban sa China at mga special administrative region nito sa Hong Kong at Macau.

Batay sa record ng World Health Organization, umakyat na sa 83,000 ang bilang ng may COVID-19 mula sa 60 bansa kaya itinaas sa “very high” ang panga­nib sa nabanggit na sakit.

Ang COVID-19 ay unang nakita sa Wuhan City sa China noong mga huling buwan ng 2019, at nasa 2,788 ang naitalang namatay sa China mula sa mapaminsalang virus.

Maraming mga aktibidad at programa ang pansamantalang ipinagpaliban dahil sa banta ng COVID-19 hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa at lahat ay abala at nakatutok para mapigilan ang mas lalo pang pagkalat ng sakit.

Dito sa Pilipinas, mga programang pang-turismo ang kinansela o ipinagpaliban gaya ng Panagbenga festival sa Baguio City, ang nationwide mall sale na nakatakda ngayong Marso at mga aktibidad ng Department of Education (DepEd) na na-schedule ng Pebrero.

Sa Japan, kinansela ang taunang Cherry Blossoms festival na dinarayo ng mga turista dahil sa COVID-19 at isang buwang suspendido ang pasok ng mga estudyante sa elementarya at high school para masigurong hindi malagay sa peligro ang buhay at kalusugan ng kanilang mga estu­dyante.

Ipinagpaliban din ng Estados Unidos ang US-ASEAN ­Leaders’ Summit dahil sa ­banta ng COVID-19 kaya isipin na lamang kung gaanong pinsala at perwisyo­ ang idinulot ng virus.

Matindi naman ang banta ni North Korean President Kim Jong Un sa mga opisyal ng kanilang ­gobyerno, na aniya ay may katapat na “secrious ­consequences” sa mga opisyal nito sakaling makapasok sa kanilang bansa ang COVID-19.

Katunayan, isinara na ng nabanggit na bansa ang lahat ng kanilang border at space ­channel para masigurong ­hindi makapasok ang ­COVID-19 at makapaminsala sa kanilang mamamayan.

Hanggang ngayon ay wala pang nakikitang mabisang gamot na ­pa­ngontra sa ­COVID-19 at nagkakaisa ang mara­ming bansa sa mundo na sana ay magwakas na ang ­pinsalang ­idinudulot nito sa maraming tao.