COVID case 12K na, NCR pinakamarami pa rin – DOH

Mahigit 12,000 na ang tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas at nananatiling pinakamarami sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila.

Base ito sa COVID-19 Bulletin #62 na nilabas ng DOH alas-kuwatro ng hapon ng Biyernes, Mayo 15.

Sa datos ng DOH, nasa 12,091 na ang naitalang dinapuan ng coronavirus sa buong bansa matapos madagdagan ng 215 bagong kaso.

Nakapagtala naman ng 123 katao na gumaling sa COVID-19 kung kaya’t umabot naman sa 2,460 ang nakarelober sa virus.

Labing-anim na katao ang mga bagong nasawi kung kaya’t 806 na ang kabuuang bilang ng namatay sa coronavirus.

Nananatili pa rin ang Metro Manila sa may pinakamataas na kaso ng coronavirus sa buong bansa na nakapagtala ng 144 bagong kaso o 67%.

Samantala, sa virtual briefing ay inihayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nasa 2,245 healthcare worker ang tinamaan ng COVID-19 at 779 sa mga ito ang gumaling habang 35 ang nasawi.

Kabilang sa mga healthcare worker na nagkasakit dahil sa coronavirus ay 812 nurse, 660 doktor, 137 nursing assistant, 81 medical technologistm 42 radiologic technologist, at 260 non-medical staff.

“Sa nasabing bilang, ang 1,431 ay active cases, ibig sabihin tumaas ang bilang ng COVID-19 survivors na healthcare workers,” ayon kay Vergeire. (PNA)