COVID case sa `Pinas 9,684 na

Patuloy ang paglobo ng mga kumpirmadong tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) gayundin ang bilang ng mga nakakarekober sa naturang sakit habang nasa 637 lamang ang mga nasawi.

Base sa COVID-19 Case Bulletin #052 ng Department of Health (DOH) alas-kuwatro ng hapon ng Martes, Mayo 5, umabot na sa 9,684 ang kabuuang bilang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nakapagtala ng 199 na mga bagong kaso hanggang kahapon ng hapon at pinakamarami dito ay mula sa Metro Manila na mayroong 173 na bagong kaso ng COVID-19.

Nasa 1,408 na ang kabuuang bilang ng mga nakarekober matapos makapagtala ng 93 pasyenteng gumaling sa coronavirus.

Nakapagtala naman ng 637 na kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa nadagdag na 14 pasyenteng pumanaw sa COVID-19.

Samantala, sa COVID-19 virtual presser, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na wala silang naitala na panibagong kaso ng COVID-19 mula sa 41 lalawigan sa bansa sa nakalipas na dalawang linggo o mula Abril 21 hanggang Mayo 4.

Kabilang sa mga probinsyang ito ang mga sumusunod: Abra, Agusan del Sur, Aklan, Apayao, Aurora, Basilan, Batanes, Biliran, Bohol, Bukidnon, Camarines Norte, Camiguin, Capiz, Catanduanes, Compostela Valley, Cotabato, Davao Occidental, Davao Oriental, Dinagat Islands, Eastern Samar, Ilocos Sur, Kalinga, Maguindanao, Masbate, Moutain Province, Negros Oriental, Northern Samar, Pangasinan, Quirino, Saranggani, Siquijor, Sorsogon, South Cotabato, Southern Leyte, Sultan Kudarat, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Tawi-Tawi, Zambales, Zamboanga del Norte, at Zamboanga Sibugay.

Una na ring inihayag ng DOH na mayroong mga probinsya na hindi nakapagtala ng COVID-19 case simula nang magkaroon ng outbreak nito sa bansa.

Kabilang sa mga probinsyang ito ay ang mga sumusunod: Agusan del Sur, Apayao, Aurora, Basilan, Batanes, Biliran, Camarines Norte, Davao Occidental, Dinagat Islands, Eastern Samar, Kalinga, Masbate, Mountain Province, Quirino, Saranggani, Siquijor, Sorsogon, Southern Leyte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Tawi-Tawi, Zamboanga del Norte, at Zamboanga Sibugay.

“Ang case doubling time ay tumaas mula tatlo hanggang limang araw. Bagaman ito ay magandang balita para sa lahat, napakaaga sabihin na narating na natin ang rurok ng ating mga kaso, dahil dito patuloy nating dinadagdagan ang ating testing capacity upang makita ang tunay na bilang ng mga kaso sa ating bansa , “ ayon kay Vergeire said.(Juliet de Loza-Cudia/PNA)