Isang netizen ang nag-comment sa Facebook page ng Philippine Red Cross (PRC) na nagsabing mayroong nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa headquarters nito sa Mandaluyong City.

Ayon kay Janna Corbero, “Red Cross as approved testing center is good. Pero di ba may Covid positive na sa HQ nyo? I certainly hope your HQ has undergone disinfection prior to mass testing.”

Paliwanag pa ni Corbero na positibo ang isang empleyado ng PRC na kaanak umano nila at mayroon pa aniyang isang kawani na nagpositibo na rin.

Sa pagtatanong sa pamahalaang lokal ng Mandaluyong City hinggil sa nasabing isyu, sinabi ni Public Information Office (PIO) chief Jimmy Isidro na wala pa umano silang natatanggap na impormasyon kaugnay sa social media comment.

“None that I know po. Tatanong ko po sa health department namin,” ayon sa text message ni Isidro.

Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pamahalaang lokal ng nasabing lungsod at inaalam sa pamunuan ng Philippine Red Cross headquarters sa EDSA, Mandaluyong ang lumabas na komento sa social media.

Samantala, inaasahang mas magiging abala ang PRC dahil apat na siyudad sa Metro Manila ang makikinabang sa bagong itinayong COVID-19 testing center nito.

Ayon kay PRC chairman at CEO Senador Richard Gordon, nagkaroon ng memorandum of agreement ang apat na local government unit ng Quezon City, Caloocan, Makati, at Mandaluyong na maaaring gawin ng mga PRC volunteer ang swabbing sa mga barangay at mga nais na ipa-test habang sagot ng LGU ang testing cost para sa kanilang mga nasasakupan.

Magaganap sa bawat barangay ang swabbing at saka dadalhin sa Molecular Laboratory sa Mandaluyong para suriin kung positibo o negatibo sa COVID-19. (Vick Aquino)