Para kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, maituturing nang `invasion’ ang coronavirus pandemic para maging basehan sa pagdedeklara ng martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Panelo, pinagbabantaan ng coronavirus pandemic ang buong bansa na ang ibig sabihin lang ay may nangyayaring ` actual invasion’ sa Pilipinas.

“ May bago nang international meaning ang invasion…It can mean the entry of a disease and the transfer from one area to another,” sabi pa nito sa kanyang commentary program.

“Ano bang meron ngayon (What do we have now)? There is an actual invasion of the coronavirus disease which is pandemic,” sabi nito.

Naunang sinabi ni Panelo na nagbabadyang magdeklara ng martial law si Pangulong Duterte kung patuloy na maghahasik ng gulo o terorismo ang mga rebelde habang nasa kasagsagan ng pandemic criris ang bansa.

Nakasaad sa Saligang Batas na basehan nang pagdedeklara ng martial law ang rebelyon o invasion at ayon kay Panelo nakasaad din sa Konstitusyon na kapag nalagay na sa alanganin ang public safety ay kailangan din ng `extraordinary measure’.

“The 1987 Constitution allows the president to declare martial law in case of invasion or rebellion, when the public safety requires it,” sabi pa nito.

At ang coronavirus pandemic ay nakapaloob umano sa klasipikasyon bilang isang banta sa public safety.

“It threatens in fact the entire country yung lahat ng mga kababayan natin so may actual na invasion,” ayon kay Panelo.

“Sa aking pananaw po bilang abogado, lahat ng sitwasyon o kalakaran na maaaring parang rebellion o invasion at nagbibigay ng panganib, imminent danger sa taumbayan eh pwede kang gumamit ng extraordinary power under the constitution,” dagdag ng opisyal.

Sa kasalukuyan, ipinaiiral ang general enhanced quarantine na mas maluwag ang mga protocol o panuntunan sa ilang lugar, bagamat nasa enhanced community quarantine(ECQ) pa rin ang Metro Manila at karatig lugar.

Tinawag naman ni Edre Olalia, pangulo ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) na `unbelievable’ ang pahayag ni Panelo. Aniya, “legally untenable, constitutionally preposterous and factually absurd, yet an extremely perilous fable” ito dahil dapat armadong grupo ang nanakop.

“Pag pinasok tayo ng China, hindi invasion. Pero pag virus invasion na. Bakit ba obsessed sa martial law si Duterte, wala siyang tiwala sa civilian gov’t? Kaya nagka-leche leche tayo kasi mga speed bagal na heneral inappoint niya sa civilian positions like DILG at DSWD,” turan naman ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares.