COVID pandemic sanhi ng pambababoy sa Inang Kalikasan – Loren

Sinisisi ni dating senador Loren Legarda ang paglapastangan sa Inang Kalikasan kung bakit naghihirap ngayon ang buong mundo dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Legarda, ngayon ay kinatawan ng Antique sa Kamara, binusabos ng mga ganid ang kalikasan kung saan nagpiyesta sila sa pagbebenta ng wildlife, ilan dito ay ang posibleng pinagmulan ng sakit na coronavirus.

“We have ignored the laws of nature to our peril. It is time to heed her warnings: do not eat what is not intended for human consumption, do not trade what should not be traded. We must learn to coexist with animals, and their habitats,” ayon sa mambabatas.

Base sa mga unang report, sinabi ni Legarda na nanggaling sa mga binebentang paniki ang coronavirus. Ang nasabing sakit ay unang nireport sa Wuhan, China kung saan ito ang unang naging epicenter ng COVID.

Tinukoy naman ng ilang researcher ang pangolin na siyang pinagmulan ng novel coronavirus dahil 99% na magkatugma ang genetic na nakuha sa hayop at sa nahawaang tao.

Ang pangolin ay nahuhuli sa Pilipinas at binebenta sa abroad sa nakalipas na 17 taon. Ani Legarda, kahit sa Metro Manila ay may nagbebenta ng karne nito sa halagang P14,000.

Pinasalamatan naman ni Legarda ang Chinese government sa pagbabawal ng bentahan ng wildlife sa kanilang mga palengke.

“We have an opportunity to make the necessary shift to avoid similar events in the future. To start with, the international community should collectively step up its efforts toward successfully regulating the wildlife trade.”giit ni Legarda.
“Once and for all, let us end the unsustainable use of wildlife animals for food or for their perceived medicinal value,” dagdag pa niya.