Inutos ng Department of Justice (DOJ) na hanapin ang mga Chinese online worker na sinasabing infected ng coronavirus matapos madiskubre ang isang illegal medical facility para sa mga COVID-19 patient sa loob ng Clark Development Zone.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, lahat ng foreign national na tinamaan ng coronavirus at nagpagamot sa naturang illegal medical facility ay kinakailangang maikustodiya ng mga awtoridad.
Aniya, mga Chinese national diumano ang karamihan ng mga pasyente na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Sabi ng kalihim, banta ang mga ito sa kaligtasan ng mga pamayanan habang patuloy na gumagala.
Ayon kay Guevarra, inatasan na niya ang Bureau of Immigration (BI) para makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang madakip ang mga naturang foreign national.
“I have instructed the BI to coordinate with PNP to track down foreign nationals who sought treatment from the unauthorized medical facility in Pampanga and who could still be dangerously roaming around,” ani Guevarra.
Kapag nahuli ay dadalhin aniya ang mga nasabing pasyent sa mga quarantine hospital para malapatan ng lunas sa kanilang karamdaman.
Nabatid pa kay Guevarra na magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon laban sa mga nasa likod ng iligal na operasyon ng medical facility.
Noong Miyerkoles ng umaga sinalakay ng PNP Criminal Investigation and Detection Group Region 3 at ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang villa sa loob ng Fontana Leisure Park na ginawa umanong ospital para sa mga Chinese national na hinihinalang infected ng coronavirus.
Arestado sa pagsalakay ang Chinese national na kinilalang sina Hu Ling, 45, ang may-ari diumano ng iligal na medical facility, at ang pharmacist na si Lee Seung-Hyun, 38. (Nancy Carvajal)