Inihayag ng Department of Health (DOH) na hindi obligado ang mga manggagawa na magbabalik- trabaho na sumailalim sa COVID-19 test.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi nila inirerekomenda ang test sa mga worker na wala naman exposure sa mga taong pinaghihinalaan o kumpirmadong may COVID-19.
“Our protocol is to guide employers. We have emphasized that symptomatic screening is ideal, and test only when symptomatic,” ayon kay Vergeire.
“[The] IATF (Inter-Agency Task Force) resolution stated that in no case shall testing be a condition for return to work, so we expect that specific agencies shall implement and enforce the IATF resolutions,” dagdag oa ng opisyal.
Sa ilalim ng guidelines, dapat lamang kunan araw- araw ng temperatura at imonitor ang empleyado .
Dapat rin na ang mga employer ang magpatupad ng infection control procedures sa kanilang mga tanggapan tulad ng physical distancing, pagsusuot ng mask, mag-alkohol at sundin ang cough etiquette .
Pinagsusuot rin ng personal protective equipment (PPE) kung ang mga worker na nagbibigay ng serbisyo na `face to face.’
Ang mga empleyado na kakikitaan ng sintomas at may history ng pagbiyahe sa ibang bansa ay hindi na muna dapat papasukin sa trabaho at dapat na munang magpakonsulta sa doktor at sumailalim sa 14 na araw quarantine period.
Samantala, sinabi rin ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na hindi mandatory ang pagsasailalim sa virus testing sa mga manggagawang balik-trabaho ngayong niluwagan ang quarantine protocol.
Ayon kay Bello sa panayam ng Unang Hirit na tanging ang mga may sintomas lamang ang kinakailangan isailalim sa COVID test.
“Hindi mandatory ang COVID-19 testing. Kung symptomatic, i-test dapat. Pero kung hindi po, hindi mandatory ‘yan,” sabi ni Bello.
Ilang industriya na ang pinayagang mag-operate sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) gayundin sa general community quarantine (GCQ) kung saan 50 percent ng mga manggagawa ang papayagang pumasok.