Hindi dapat asahan na magkakaroon ng second wave sa halip ay kailangang paghandaan ang ‘tsunami’ ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ang babala ni Senador Nancy Binay kasunod nang pagdagsa ng mga tao sa ilang mall at iba pang mga establisimiyento matapos ipatupad ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR).
“What is worrisome is that when the IATF declared some areas as GCQ and MECQ, the LGUs–and even national agencies–are not even prepared, or even near in realizing the COVID T3 strategy which is supposed to be already in a satisfactory operational level by this time,” pahayag ni Binay.
Ang binanggit ng senador na COVID T3 strategy ay tumutukoy sa `test, treat, track’ para mapigilan ang paglaganap ng coronavirus sa bansa.
“Kaya `yung sinasabing second wave, we all know that it’s not a question of if, but when. At kung pagbabatayan natin `yung bugso ng mga tao kahapon (Mayo 16), well, don’t expect just a second wave–prepare for a tsunami!” dagdag pa nito.
Umapela naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa publiko na sundin pa rin ang mga quarantine protocol tulad ng social distancing, pagsuot ng face mask at madalas na paghugas ng kamay para mapigilan ang pagkahawa sa coronavirus.
“I will rely on opinions of experts on that point. I am not qualified to make that judgment. But I appeal to our people to follow protocols: social distancing, wearing masks and frequent washing,” ani Drilon.
`WAG KAYONG MAGING KAMPANTE – MALACAÑANG
Nagbabala rin ang Malacañang sa publiko na huwag maging kampante matapos ang ginawang bahagyang pagluluwag sa quarantine protocol.
Inihayag ni Presidential Spoksperson Harry Roque na dapat maintindihan ng mga tao na dahan-dahang pinaluluwag ang mga pinatupad na quarantine protocol upang muling mabuhay ang ekonomiya at hindi dahil sa ligtas na tayo sa coronavirus.
Palala ni Roque, dapat matuto ang mga Pilipino sa karanasan ng ibang bansa katulad sa South Korea na napigil na ang pagkalat ng coronavirus subalit nagkaroon muli ito ng mga kaso ng COVID-19 dahil naging kampante ang kanilang mga mamamayan.
Binigyang-diin ng kalihim na nananatili pa rin ang stay at home order ng gobyerno at pinaalala sa mga tao na puwede lamang lumabas ng bahay ang mga may importanteng gagawin.
“The Palace, therefore, asks for the cooperation of the public as the whole country remains in quarantine. We must not put to waste our collective efforts and sacrifices,” pahayag pa ni Roque.
Inulit pa nito na kailangang sumunod pa rin ang mga tao sa mga pinapatupad na pagsusuot ng face mask o face shield, physical distancing, at palagiang paghuhugas ng kamay.
Napansin ang pagdagsa ng mga tao sa ilang mall nang simulant nang ipatupad ang MECQ sa Metro Manila noong Sabado. Naobserbahan din ang pagkakaroon ng mabigat na daloy ng trapiko katulad sa EDSA. (Dindo Matining/Prince Golez)