COVID volunteer patay sa heat stroke

Nasawi dahil sa matinding init ng panahon ang isang disc jockey (DJ) na boluntaryong tumulong sa pagbabantay sa mga checkpoint sa Cainta, Rizal habang may anti-coronavirus lockdown.

Kinilala ang biktima na si Arvic Macarilay, 38-anyos na miyembro ng Barangay Community Action Group ng nasabing bayan. Tumutulong ang biktima sa mga awtoridad sa paghuli ng mga lumalabag sa quarantine protocol.

Sa ulat ng GMA News, sinabi ng kaanak ni Arvic na nahilo ito habang naka-duty sa kasagsagan ng init ng araw, Mayo 6.

Nagkamalay man ito sa ospital ay nakaranas siya ng seizures at pananakit ng dibdib. May pumutok ding ugat sa ulo ni Arvic, ayon sa doktor, kaya’t namaty din ito.

Magugunita nagbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa matinding init ng panahon na nararanasan sa Metro Manila na maaari umanong magdulot ng heat stroke.