Umaasa ang pamunuan ng Department of National Defense (DND) na susundin ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang unilateral ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte na dineklara nito sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
Tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na susunod ang kanilang mga tropa sa ceasefire pero mananatili pa rin na alerto ang mga ito sa mga rebeldeng komunista.
Nagpahayag din ng kahandaan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na sumunod sa idineklarang unilateral ceasefire ni Pangulong Duterte sa mga rebeldeng komunista.
Gayunman, sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla na mananatili pa ring mapagmatyag at handa ang kasundaluhan na depensahan ang kanilang mga sarili sakaling atakehin pa rin sila ng rebeldeng grupo.
Ayon kay Padilla, nagpakita na ng sinseridad ang pamahalaan at inaasahan nilang iyon din ang ipakikita ng NPA.
Maingat ang tono ng pahayag na inilabas ng AFP kaugnay nito lalo’t noong Linggo lamang, tatlong pulis at isang non-uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP) ang dinukot ng mga hinihinalang NPA sa Malimono, Surigao del Norte.