Creamline, Power Smashers humirit ng decider

Ayaw pang magbakasyon ng Creamline at ­Power Smashers, nailusot ang parehong pahirapang five-setter matches para makapuwersa ng decider sa ­Premier Volleyball League Reinforced Conference sa PhilSports Arena sa Pasig kagabi.

Kinumpleto ng Power Smashers ang come-from-behind 24-26, 22-25, 25-18, 25-23, 15-13 panalo­ ­laban sa defending champion Pocari Sweat Lady Warriors.

Sa fifth set, umatake si Regine Rocha at binasag ng Power Smashers ang 13-13 count bago ­sinundan ng panakaw na drop ni Thai import Kannika ­Tipachot para selyuhan ang panalo.

Sa opener ng best-of-three quarters, naiwan din sa 0-2 ang Power Smashers pero nakabalik, kaya lang ay tumukod sa dulo at itinakbo ng Lady Warriors ang panalo 25-23, 25-19, 23-25, 22-25, 15-12.

“We didn’t expect (to win) but we were determined to get back at Pocari,” wika ni playmaker ­Alina Bicar na namigay ng 37 excellent sets.

Sa second game, naigapang ng Creamline ang 24-26, 25-18, 18-25, 25-16, 15-14 panalo laban sa BaliPure para itabla rin sa 1-1 ang series.

Naagaw ng Water Defenders ang manibela 14-13 sa fifth set, pero agad bumawi si Thai import ­Kaewpin Kuttika at itinabla ng Cool Smashers ang iskor sa 14-all.

Humataw si Alyssa Valdez at dumikit ang Creamline sa set point, bago blinangka ni Pau Soriano ang atake ng BaliPure para kumpletuhin ang panalo.

Sa Huwebes sa Pasig venue din ang deciding Game 3 ng dalawang serye.