Arestado ang apat na drug suspek kabilang ang isang criminology student makaraang makumpiskahan ng halos isang kilong pinatuyong dahon ng marijuana na iniaalok sa online sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtortidad sa Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.
Ang mga suspek ay sina Paul, 18, binata, criminology student; Archie, Edison, kapwa out of school youth; at Christian, 22, binata, pawang taga-Tondo.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station (PS-10) commander Police Lt. Col. Louise Benjie Tremor, alas-8:15 ng gabi (Nobyembre 28), nang ikasa ang buy-bust laban sa mga suspek sa harap ng BDO Sun Residences Branch sa Welcome, Rotonda, QC.
Nakipag-transaksyon via online ang operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Kamuning Police Station 10, na pinangunahan nina PSSg. Charlie Borromeo, PCpl. Roniel Antonino, PCpl. Reymark Rigor at PCpl. John Lesley Cabang sa mga suspek.
Nasamsam sa mga suspek ang isang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalagang P120,000.00, (1) piece large zip-locked transparent plastic sachet na naglalaman din ng marijuana na may timbang ng 30 grams. (Dolly Cabreza)