tonite-pak-allan-diones
Halatang maingat ang press sa pagtatanong kay Cristine Reyes kahapon sa mediacon ng action movie niyang “Maria.”

May tendency kasi si Cristine na mairita o mag-walkout sa interview kapag hindi nito nagustuhan ang tanong, so walang nangahas mag-usisa sa kanya tungkol sa hiwalayan nila ng mister niyang si Ali Khatibi.

Naikuwento ni Cristine na nagbakasyon siya nu’ng mag-30th birthday siya last month dahil gusto raw niyang mag-travel at mag-quality time with her sisters.

Sa Thailand sila pumuntang magkakapatid and after that ay bumawi siya sa daughter niyang si Amarah at sa Boracay sila nag-mother and daughter time.

Bugbog daw siya sa trabaho dahil ang daming bles­sings, pero ang sarap ng bonding nilang mag-ina na kung puwede lang ay magsama raw sila nito araw-araw, kaya lang ay kailangan niyang magtrabaho.

Ngayong 30-anyos na siya, iba na raw ang outlook ni Cristine at hindi na siya naghahanap ng kasiyahan sa buhay.

“Ang hinahanap mo na ngayon eh kung ano ‘yung… actually, wala akong hina­hanap sa buhay. Ano lang for me, dati kasi nu’ng bata ako parang, ‘Ayokong magtrabaho!’ ‘Bakit ba ako nagtatrabaho?’ Ganyan.

“Ngayong 30 na ako parang, ‘No, I need to work!’ And wala nang fun for me, ha? Gusto ko nang umuwi, gusto ko nang makita daughter ko, ganu’n na.”

Kung meron daw siyang gusto pang ma-achieve, ‘yun ay comfortable life and happy life.

Sinabi ni Cristine na kailangan niyang mag-work. Dahil ba ngayon ay siya na lang ang bumubuhay sa anak niya?

“Well, eversince naman po, ako lang naman talaga ang nagwo-work for myself and I can really say na I’m self-made.

“And eversince I started working for 15 years, eversince 2003, I also helped my family and nobody helps me financially,” bulalas ng aktres na pula ang buhok nga­yon dahil sa movie na ginagawa nila ni Xian Lim abroad.

Ang family na sinasabi niya ay sila na lang dalawa ni Amarah?

“Yes, family na lang talaga,” sey ni Cristine, na hinatak na palayo kaya hindi na naurirat pa ng press tungkol sa lagay ng personal life nito ngayon.

Sa statement na ‘yon ni Cristine ay para na rin niyang sinabi na siya lang talaga ang bumuhay sa kanilang mag-ina kahit nu’ng nagsasama pa sila ng asawa niyang si Ali.

Ibig bang sabihin ay never sinuportahan ni Ali ang anak nilang si Amarah at puro si Cristine lang lahat?

Samantala, sumailalim sa intense one month training si Cristine sa fight instructor na si Sonny Sison (nag-train din kay Anne Curtis sa “BuyBust”) para sa pagsabak niya sa aksyon sa “Maria.”
Madali naman daw itong mapikap. Hindi na kailangang manood pa ng fo­reign action mo­vies dahil ang idol niya lang daw talaga ay si Angelina Jolie kaya meron din siyang mga tattoo.

Sobrang astig sa kanya ni Angelina kaya nu’ng sinabi sa kanyang gagawa siya ng action movie ay very open dito si Cristine dahil gusto niya talagang gawin.

Hindi niya raw akalain na gagawa siya nito dahil dito sa atin ay puro lalaki lang ang gumagawa ng action movies.

Kaabang-abang daw ang bonggang fight scene nila sa “Maria” ni Jennifer Lee na naganap sa loob ng isang club.

Para kay Cristine, hindi kailangang magpakita ng skin para maging sexy, nasa pagdadala raw ng tao ‘yon. Wala raw siyang sexy scenes sa pelikula pero talaga raw sexy siya.

Sa March 27 ang showing ng femalecentric action flick na “Maria” in cinemas nationwide.