ITOTODO na ng iCandidates at Great Fina­lists na sina Cristine Reyes, Daniel Matsunaga, Gab Valenciano at Wacky Kiray ang pasabog sa kanilang huling bakbakan para tanghaling Greatest Entertainer sa Battle for Greatness: The ‘I Can Do That’ Grand Finals ngayong weekend (Hunyo 3 at 4).

Sina Judy Ann Santos-Agoncillo at Boy Abunda ang mag­huhusga sa performances ng apat.

Ang makakakuha ng pinakamataas na percentage ng combined scores mula sa judges at text votes ng publiko ang tatangha­ling Greatest Entertainer at tatanggap ng P1M.

Pagkatapos ng lahat ng performances mamayang gabi, bubuksan ang botohan at magsasara ito ng hatinggabi.

Bubuksan ulit ito sa show bukas (Linggo) at muling isasara bago ianunsyo ang Greatest Entertainer.

“Sobrang excited ako na gawin ‘to. I’ll do my best para ito ang makapagbigay sa akin ng tagumpay,” sabi ni Cristine sa kanyang FIRE DANCING ACT.

Sambit ni Daniel na naghanda sa AERIAL POLE ACT, “May fear ako sa heights. Pero gusto kong labanan ang takot na iyon.”

Tinawag na “sobrang flawless at perfect” ni Gab ang RING MAN ACT.

Ani Gab, “Ang naisip ko sa sarili ko, I’m gonna have so much fun with this. Just the mere fact na magagawa ko siya, I’m so excited.”

Makapigil-hininga rin ang WIRE BALANCING ACT ni Wacky.

Aniya, “Go for the gold na ‘to. Baliw na yata ako, gusto ko nang pahirapan ang sarili ko. Iuuwi ko ang tagumpay para sa pamilya ko at para sa mga mahal ko sa buhay.”

Huwag palampasin ang Battle for Greatness: The ‘I Can Do That’ Grand Finals ngayong Sabado at Linggo nang 9:45 PM sa ABS-CBN.