Sa GlobalPort pa rin itutuloy ni Terrence Romeo ang kanyang pamatay na crossover, siya na rin ang pina-kabago sa humahabang listahan ng mga milyonaryo sa PBA matapos pumirma ng three-year deal na nagkakahalaga ng P15 million para manatili sa Batang Pier.
Garantisado sa Gilas member at three-year pro ang maximum monthly salary na P420,000. Labas ang bonuses, tatanggap si Romeo, 24, ng kabuuang P15.12M sa loob ng tatlong taon.
“Everything is now in order. We are happy with the deal that Terrence is sticking with us,” pahayag ni GlobalPort team manager Bonnie Tan. “Terrence is a marquee player so we want him to stay with our team.”
Mga minor details na lang umano ang pinaplantsa sa kontrata, patunay na buo ang tiwala ng Mikee Romero-owned franchise na maihahatid sila ng 6-foot-1 guard sa kampeonato balang araw.
Malapit na ring maselyuhan ang kontrata ng backcourt partner ni Romeo na si Stanley Pringle. Sumakay ang Batang Pier kina Romeo at Pringle para bumiyahe sa unang pagkakataon sa semifinals ng Philippine Cup ngayong season.