Para sa Civil Service Commission (CSC), tama lamang ang naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-ban ang biyahe at mga team building activity ng mga opisyal at kawani ng gobyerno sa katwirang dapat ilaan ang pera ng pamahalaan sa wasto at hindi sa pansariling biyahe at lakwatsa.

“We need to instill malasakit sa serbisyo, kung may malasakit kayo sa trabaho, sa tingin niyo ba kung pera ninyo ‘yan, hard-earned money, gagawin niyo po ba ‘yan? Kung pera niyo ‘yan hindi niyo gagawin ‘yan kasi pinaghirapan niyo ‘yan. Pero ito pera ng gobyerno ‘to. Hindi niyo pinaghirapan ‘yan kaya madaling gumawa ng mga desisyon na ganyan,” paliwanag ni CSC Commissioner Aileen Lizada.

Kung mayroon umanong team building ay ­hindi na kailangan na sa labas pa ng bansa gawin pero may ahensiya umano na gumagawa nito dahil pera ng gobyerno ang gagamitin.

Punto pa ni Lizada na malaki din ang epekto sa publiko at sa trabaho kung nagkakaroon ng ganitong team building dahil walang naiiwan sa opisina.
Noong Marso 15 ay nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order 77 kung saan tinatakda na bawal na ang lahat ng uri ng travel junket at pagsasagawa ng strategic planning workshop o team building activity sa labas ng bansa. (Tina Mendoza)