Marami talaga ang naghahangad na baguhin ang pana­naw sa isang lugar na nabahiran ng mantsa dulot ng problema sa ilegal na droga.

Katulad ng naunang mga isinusulong na plano sa Marawi City na gawing tourist hub, ganito rin ang gustong mangyari ng Muslim community sa tanyag na lugar ng mga Muslim sa Quezon City na Barangay Culiat.

Ang hakbang na ito ay suportado ng Quezon City Police District (QCPD) na nasa ilalim ng pamumuno ni District Director Guil­lermo Eleazar.

Kaya nga lamang bago maging isang tourist spot ang Culiat na planong pagtampukan ng Muslim culture ay kailangang masigurong ligtas ito sa krimina­lidad, ilegal na droga at iba pang problemang naghahatid ng ligalig sa mga turista.

Ang katahimikan at kaayusan ng lugar ay ­unti-unti nang naabot dahil sa patuloy na pakiki­pagdayalogo ng kapulisan sa pamumuno ni Gen. Eleazar sa Muslim community.

Pero take note, ang pa­tuloy na dayalogo ay hindi lamang tungkol sa droga, kundi sa iba’t ibang aspeto na may kinalaman sa ikauunlad ng Barangay Culiat.

Bilang pruweba nitong Agosto 2 ay dumalo si Chief Superintendent Eleazar sa dayalogo ng Muslim PNP members at community leaders sa Salaam compound sa Brgy. Culliat, Quezon City na ginawa sa QCPD conference room sa Camp Kari­ngal, Quezon City na isang inisyatibo ng Police Station-3 na nakakasakop sa Barangay Culiat sa pamumuno ni P/Supt. Danilo Mendoza.

Dinaluhan ang dayalogo nina Police Senior Supt Bartolome Bustamante, Deputy District Director for Operations (DDDO), PS-3 commander; Hon. Victor Bernardo, chairman, Brgy. Culliat; Sultan Haji Nur Hassan, chairman, Salam Compound; Ameerah Ibrahim, ang nag-­iisang Muslim Barangay Kagawad ng Brgy. Culiat.

Natalakay sa dayalogo ang concern ng bawat isa sa peace and order at nagpahayag naman ng todong suporta sa kampanya ng QCPD na maging drug-free area ang Salaam compound sa Quezon City.

Pagdating naman sa development ay si Police Senior Supt. Bartolome ang nagtulak para maging tourist spot ang Salaam Compound na hindi, aniya, imposibleng mangyari dahil sa patuloy na suportang ipinapamalas ng mga residente ng Salaam at naghahangad ng mapayapang komunidad.

Kaya sa mensahe ni Police Chief Supt. Eleazar na isa rin sa dumalo sa dayalogo ay hinimok niya ang PNP Muslim members sa Salaam compound na suportahan ang QCPD tungo sa hangaring maging peaceful ang Salaam Compound.

“Itong pagtatagpo-­tagpo ng mga PNP members na naninirahan sa Salaam compound even though you are assigned elsewhere in the Philippines, gusto naming i-harness lahat ng pwedeng gamitin upang magkatulong-tulong dito. Kayo mismo na nakatirang mga pulis ay ibig naming bigyan ng dagdag na responsibilidad na alam kong tatangapin ninyo at gagawin ninyong personal dahil ‘yon ay para sa inyo at para sa inyong pamilya at sa susunod na generation sa Salaam compound,” ayon kay Eleazar.

Nagpasalamat din ang opisyal sa mga nakatuwang para makamit ang kapayapaang tinatamasa ngayon ng QC at iginiit ni Eleazar na kaya siya naging epektibo bilang pinuno ng QCPD ay dahil tinulungan siya ng mga superior officers, mga pulitiko, mga kasamahan sa barangay at ng mga taong hindi maniniwala na walang kapupuntahan ang kanilang pagpupursigeng malinis ang QC sa krimen, ilegal na droga.