Curfew ‘di na kailangang iakyat sa SC

Nanindigan ang Malacañang na hindi na kailangan pang iakyat sa Supreme Court (SC) ang usapin sa curfew na sini­mulan nang ipatupad ng ilang lungsod at planon­g iimplementa sa buong bansa dahil naaayon ito sa Konstitusyon.

Ayon kay Chief Pre­sidential Legal Counsel Salvador Panelo, kung hinihingi ng pagkakataon at para masiguro ang kaligtasan ng mga kabataan ay maaaring magpatupad ng curfew ang mga local government unit (LGUs).

Aminado si Panelo na sa ilang pagkakataon ay kailangan na umuwi ng gabi ang mga kabataan lalo na kung may mga project at sa ganitong sitwasyon maaari naman aniyang humingi muna ng exemption sa LGUs.

Una nang kinuwestiyon sa Korte Suprema ng grupong Samaha­n ng Progresibong Kabataan (SPARK) ang pagpapatupad ng curfew ng ilang lungsod sa Metro Manila sa bisa ng ipinalabas na city ordinance.

Giit ni Atty. Jesus Falcis III, legal counsel ng grupo, na inaalis ng ordinansa ang karapatan ng mga magulang na siyang magdesisyon sa kanilang mga anak. Kinuwestiyon din nito ang malaking parusa na ipapataw sa mga kabataan na mahuhuli sa curfew kabilang na dito ang multa na P2,000 at pagkabilanggo sa loob ng isa hanggang 10-araw sa ikatlong offense.

Para kay Panelo hindi na kailangan pang iakyat sa Korte Suprema ang usapin dahil maaari namang humi­ngi ng exemption.

Matatandaan na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabisang paraan ang curfew para masiguro ang seguridad ng mga kabataan at maiiwas ang mga ito na maging biktima ng kriminalidad.