Curfew dapat may basbas ni Duterte

Nakabitin pa rin ang rekomendasyon ng mga alkalde ng Metro Manila hinggil sa pagpapatupad ng curfew kasabay ng community quarantine sa Metro Manila dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi pa inaaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng mga alkalde matapos ang pulong na pinangunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Sabado.

Ayon kay Panelo, maaaring magpatupad ng curfew ang mga local go­vernment unit sa kanilang nasasa­kupan kung mayroong ipinasang ordinansa.

Pero ang rekomendasyon aniya ng mga alkalde para sa curfew sa kabuuan ng Metro Manila ay mangangailangan pa ng pagsang-ayon ng Presidente.

“The LGUs can impose curfew within­ their territories if an ordinance is passed. In the meantime, the Metro Manila Mayors’ recommendation to impose a curfew in Metro Manila is subject to the approval of the Presi­dent. The President has not yet consider­ it,” ani Panelo.

Batay sa napagkasunduan ng mga alkalde sa Metro Manila, ang curfew ay ipapatupad mula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng umaga. ­(Aileen Taliping)