CURFEW TULOY KAHIT MAY TRO

Ipatutupad pa rin ng lungsod ng Quezon ang curfew sa mga kabataan kahit pa nag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema.

Ito ang tiniyak ni QC Mayor Herbert Bautista sa pagsasabing hindi saklaw ng TRO ang mga ordinansa ng Barangay tungkol sa curfew.

Aniya, ang tawag nila sa ordinansa ng bawat barangay na nagbabawal sa mga menor-de-edad na magpakalat-kalat sa dis-oras ng gabi ay ‘discipline hour’.

Pero paliwanag ni Bautista, may ilang mga barangay lamang ang nag-adopt ng ‘discipline hour’ ordinance.

Mainam din aniya na naglabas ng TRO ang Supreme Court (SC) para mabigyan sila ng guide kung anong mga probisyon ng ordinansa ang babaguhin o aalisin.

Inihayag din ng alkalde na bagaman pan­samantalang pinigil ang curfew hour ay may exis­ting ordinance naman ang lungsod na Juvenile Justice and Welfare Act na magbibigay proteksiyon sa mga bata, pati na ang citizens arrest.

“Doon sa barangay level, kung mayroon silang ordinansang ganyan… they can actually enforce it. I-enforce pa rin natin ang karapatan ng city to protect the property and lives of o­thers. So if we feel that a crime is being committed, meron naman kaming citizen’s arrest,” ayon kay Bautista.

Paliwanag ni Bautista, simula kasi nang ipa­tupad nila ang discipline hour na mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-singko ng madaling-araw ay bumaba ang insidente ng riot sa Quezon City at maging ang paggamit ng mga sindikato ng mga bata sa kanilang modus operandi.

Sinabi ni Bautista na malaking tulong ang curfew ordinance dahil bumaba ang mga insidente ng rambulan ng mga kabataan sa kanilang lungsod.

Kaugnay nito, umaasa si Buhay Rep. Lito Atienza na isasantabi ng Korte Suprema sa lalong madaling panahon ang TRO na pumi­gil sa pagpapairal ng curfew sa ilang lugar sa Metro Manila.

Ayon kay Atienza na naging alkalde din ng lungsod ng Maynila, pabor siya sa curfew para sa mga menor-de-edad.

“Ang akin, I support the curfew measure sa mga bata and after a deliberation on the part of the SC sana naman i-lift nila ang TRO para makapagtrabaho nang maayos ang mga LGU,” komento ni Atienza.

Ito aniya ay para mai­ligtas ang mga kabataan na mabiktima o magamit sa kriminalidad.

“Igalang muna nila TRO… siguro pag-aaralan ng SC kung ano ang full impact nitong ordinansa na ito sa pangkalahatan maipapaliwanag ng mga local government unit ‘yan,” sabi ng solon.

Sinabi ng kongresista na isa ang curfew sa mga paraan para epektibong maisakatuparan ang proteksyon sa mga menor-de-edad.

Ang mga kabataan aniya ang puntirya ng maraming sindikato ngayon para magamit sa krimen dahil exempted ang mga ito sa huli.

Mas mabuti na umanong nasa loob ng bahay ang mga ito tuwing dis-oras ng gabi para mag-aral, magpa­hinga at nananahimik sa kanilang tahanan.