Natuloy din ang inaabangang matchup sa Western Conference – Golden State kontra Houston sa kampeonato.
Pinag-impake ng Warriors ang New Orleans Pelicans sa bisa ng 113-104 win Martes nang gabi, pagkatapos sipain ng top-seeded Rockets ang Utah Jazz 112-102.
Parehong Game 5 isinara ng dalawa ang semifinals series.
“You can’t believe the hype,” bulalas ni Klay Thompson bago pa hinarap ang Pelicans. “Everybody is already talking about Warriors-Rockets.”
Kahit anong balasa ang gawin ni Steve Kerr sa kanyang starting lineup, humaharabas ang kanyang Warriors.
Ang kanyang starters, tinawag na ngang “Hamptons Five” – lugar sa Long Island sa New York na pinuntahan ng apat na Warriors (Stephen Curry, Thompson, Draymond Green, Andre Iguodala) para i-recruit ang panglima nilang si Kevin Durant sa free agency dalawang taon na ang nakakaraan.
“You can call them any kind of five, they’re really good,” sundot ni Pelicans coach Alvin Gentry. “You can call them the Jackson Five. … They’ve got 2 ½ Michaels.”
Sa Game 5 kontra New Orleans, nagsumite si Curry ng 28 points, 24 kay Durant, 23 kay Thompson at 19 points, 14 rebounds, nine assists kay Green.
Nag-average si Green sa five-game series ng triple-double na 14.8 points, 11.8 rebounds at 10.0 assists.
Sa pang-apat na sunod na taon, nasa conference finals ang Golden State. Lunes sa Houston ang Game 1. (Vladi Eduarte)