Hangga’t may pagkakataon at oras si Stephen Curry, hindi ito nagdadalawang-isip na lumapit o makipag-usap sa fans.

Noong November, isang siyam na taong gulang na batang babae, si Riley Morrison, ang sumulat kay Curry para ipaalam na walang girl sizes ang line ng sapatos ng superstar sa Under Armour.

Sinagot ni Curry ang sulat, gumawa ng paraan para maglabas ang sports apparel ng sizes na pambabae ng kanyang Curry 5 sneakers.

Nitong Huwebes, lumabas sa ulat ng nbcsportswashington.com na may pinasaya na namang fan si Curry.

Bago raw hinarap ng Golden State Warriors ang Washington Wizards, sa pre-game warmups ay nalingunan ni Curry ang isang fan sa courtside, naka-wheelchair at suot ang kanyang No. 30 jersey.

Tinawag ni Curry ang fan, pinapasok sa court.

Pinag-dribble ang fan, inabot kay Curry ang bola at ibinaon naman ng superstar mula 3-point range. Nakipag-selfie pa sa fan si Curry bago niya pinirmahan ang suot nitong jersey.
Tinalo ng Warriors ang Wizards 126-118.