Curry muling umukit ng 3-point record

Naglunsad ng third-quarter madness si Stephen Curry, nag­lista ng 23 points sa period mula sa pitong 3-pointers, at inalpasan ng Golden State Warriors ang New Orleans Pelicans 147-142 sa isa pang high-scoring game Miyerkoles nang gabi.

Umahon ang Warriors mula 17-point deficit para agawin ang panalo.

Muling gumawa ng kasaysa­yan si Curry, naging first player sa kasaysayan ng NBA na may walo o higit pang 3-pointers sa tatlong sunod na laro.

Tumapos siya ng 41 points sa 9 for 17 shooting mula sa labas ng arc. Nagdagdag si Kevin Durant ng 30 points sa Golden State.

Namuno ang 30 points at 18 rebounds ni Anthony Davis sa Pelicans.

Nagpasok ng 43 combined 3-pointers ang magkatunggali, binasag ang dating NBA record na inihulma rin ng Warriors at Sacramento Kings 10 araw na ang nakakaraan.

Pinantayan ng 24 made 3-pointers ng Golden State ang franchise record nila na iginuhit sa kaagahan ng season, samantalang pinakamarami sa prangkisa ang 49 attempts kontra Pelicans.

Halos mayanig ang Oracle Arena nang magliyab si Curry sa third, wala halos naimintis ang baby-faced assassin sa bawat bitaw quarter, saan mang puwesto.