Bago hinarap ang Phoenix sa Oakland, problemado si Golden State coach Steve Kerr sa distribusyon ng bola ng kanyang team.

Pagkatapos palubugin nina Stephen Curry at Kevin Durant ang Suns, nakangiti na si Kerr dahil balik na ang dating suwabeng pasahan ng Warriors.

Nilista ni Curry ang 15 sa kanyang 29 points sa third quarter, namigay pa ng 8 assists para giyahan ang Golden State sa 123-103 panalo Lunes ng gabi.

Nagdagdag si Durant ng 22 points, pinakawalan ni Draymond Green ang 8 sa 35 assists ng two-time defending champions.

“That looked like our team, just the purpose of each possession, driving and kicking and trying to get guys better shots,” bulalas ni Kerr.

Iginuhit ng Warriors ang 16th straight win kontra Phoenix, pinakamahabang unbeaten run ng prangkisa laban sa isang team.

Mula sa field ay 11 for 18 si Curry, may anim na 3s.

Umiskor si Klay Thompson ng 16 pero walang naipasok sa unang apat na bitaw sa labas ng arc at 3 for 22 na sa long distance sa apat na laro.

Senyales ng haharapin ng Suns sa buong laro ang tatlong sunod na dakdak ng bagong starting center ng Golden State na si Damian Jones, dalawa mula sa alley-oops. May isa pa si Durant, at napa-time out ang Phoenix sa 7:34 lang ng first quarter pagkatapos ng slam ni KD.

Nagsumite ng 28 points si Devin Booker sa Phoenix, may 27 si TJ Warren off the bench.