Curtis Kelly bagong tahid ng Magnolia

Parating na sa bansa sa Lunes si Curtis Kelly, ang bagong import ng Magnolia Hotshots.

Umalis na sa bansa si Vernon Macklin para tuparin ang unang commitment sa China, iniwan niya ang Pambansang Manok Hotshots na may three-game winning streak matapos matisod sa opener ng kanilang kampanya sa PBA Commissioner’s Cup.

Huling biktima ng Hotshots ang Meralco 81-79 noong Mayo 18, nag-break at muling sasalang sa Hunyo 2 kontra Rain or Shine sa Smart Araneta Coliseum.

Sa Twitter, sinabi ng Hotshots na kinumpirma ni governor Rene Pardo ang dating ni Kelly.

Sagad sa height ceiling na 6-foot-10 si Kelly, 30, produkto ng Connecticut at Kansas State. Undrafted sa NBA noong 2011, dinala ni Kelly ang tikas sa Europe at huling naglaro sa Maccabi Kiryat Gat sa Israeli Basketball Premier League.

Ang tatlong teams ng San Miguel Corp., nagpalit na ng import sa midseason tournament.

Pinasibat ng defending champion San Miguel (0-3) si Troy Gillenwater at ibinalik si Renaldo Balkman sa huling laro pero natisod din sa Alaska 105-103 noong May 19. Tinawag muli ng Ginebra (1-3) si Justin Brownlee kapalit ng hindi epektibong si Charles Garcia.