Pinaiimbestigahan ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares sa administrasyong Duterte ang ulat na 100 beses nang tinangkang i-hack ang National Grid Corporation of the Philippines (NCGP).

Ayon sa dating kongresista, dapat ay may malakas na cybersecurity infrastructure safeguard ang NGCP dahil ang isang pag-atake lamang dito ay maaaring magdulot ng malawakang blackout sa bansa.

Matatandaang inamin ni NGCP Chief Executive Officer Anthony Almeda sa pagdinig ng Senate energy committee kamakailan na may 100 beses nang nakaranas ng cyber attack ang power grid.

Sinabi ni Almeda na may ilang linggo ring tinangkang i-hack ang NGCP.
“On the cyber attack, for the past few weeks that we’re here, we’ve been attacked a hundred times. As we speak, it’s from the outside,” aniya.

Nauna na ring hinamon ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang administrasyong Duterte na isailalim sa audit ang NCGP kasunod na rin ng naisiwalat sa Senate inquiry na kontrolado na ng China ang ope­rasyon nito at may mga isyu sa kanilang sinisingil na transmission rates.

Giit ni Zarate, bagama’t isang pribadong kompanya ang NGCP, ang operasyon naman nito ay may public interest kaya maaari itong busisiin ng gobyerno, pangunahin na ng Commission on Audit (COA) at Kongreso.

“NGCP has not been reviewed for more than ten years now and it is high time that NGCP undergoes an independent audit so that a rate reset may be implemented if its transmission rates are found to be unjustly high,” ani Zarate.

Napag-alaman din na ang mga Chinese engineer na ng SGCC ang siyang nag-o-ope­rate at nagsasagawa ng troubleshoot sa transmission facilities at may kakayahan na rin na i-shutdown ito mula sa kanilang moni­toring system sa Nanjing, China.

Hirit ni Zarate dapat magkaroon ng transparency sa operasyon ng NGCP at hindi dapat ipagwalang-bahala ng Kongreso ang nabunyag na mga iregularidad na, aniya, ay malinaw na banta sa seguridad ng bansa.