Biglang natuyuan ang tila balon ng perang bumubuhos sa isang pamilya nang mabuking ang mistulang family business ng mga ito na cyber sex.

Ito ay matapos na sala­kayin ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City kamakalawa ng hapon ang tatlong palapag na gusali na matatagpuan sa Barangay Pinyahan ng nasabing lungsod kung saan isinasagawa ng mga suspek ang cyber sex operations.

Sa ulat ng pulisya, alas-kuwatro ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng NBI Cybercrime Division ang nasabing gusali at pagpasok ng mga awtoridad ay bumungad umano ang tatlong mga kalalakihang sina David Navarro, kapatid nitong si Marvin Navarro at asawa ng kanila ring kapatid na si Carl Pe­rez na nagsasagawa ng cybersex operation.

Lumalabas na modus umano ng mga ito na magpapanggap na mga babae upang makapang-akit ng mga parokyano.

Gagamit umano sila ng mga pre-recorded video ng mga babaeng gumagawa ng mahahalay na gawain habang vini-video ang kanilang sarili na kunwari ay sila yun at ipapanood sa kanilang mga parokyanong mga nagsu-subscribe gamit ang mga credit card.

Depensa naman ng mga suspek ay kaya lamang umano nila pinasok ang ganoong gawain ay dahil sa kailangan lamang umano nila ng pera para sa araw-araw at pangtustos na rin sa kani-kanilang mga pamilya.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ay napag-alaman na ang mga nahuling suspek ay sangkot sa international syndicate ng cybersex operation sa maraming bansa.

Kinumpiska rin ang mga computers ng mga suspek upang sumailalim sa forensic examination at kung may makikitang gumagamit din sila ng child pornography videos ay mas lalong bibigat umano ang ipapataw na parusa sa mga ito.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng NBI ang magkakamag-anak na suspek.