Cybersecurity hotline bubuksan ng Comelec

Magbubukas ang Commission on Elections (Comelec) bukas, Agosto 22, ng cybersecurity hotline, na ang layunin ay ayudahan ang mga botanteng posibleng naapektuhan ng ‘massive data breach’ o pag-hack sa website ng poll body noong Marso.

Ang hotline ay bubuksan sa ilalim ng Voter Care Center, para matulungan ng Information Technology Department (ITD) at ng Education and Information Division (EID) ng Comelec ang mga botanteng apektado ng online security breach at identity theft.

Sinabi ng Comelec, maaaring tumawag sa 525-9301 mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, Lunes hanggang Sabado ang sinumang intresado.

Kailangan lamang gawin ay ibigay ng mga caller ang kanilang pa­ngalan, petsa ng kapanganakan, address, contact number at e-mail address.

Maaari rin naman umanong magsumbong sa pamamagitan nang pagpapadala ng email sa votercarecenter@gmail.com.