Tinanggi ni Senador Cynthia Villar ang lumutang na espekulasyon na ang kompanya nito na Prime Water Corporation ang ieendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte para humawak sa distribusyon ng tubig sa Metro Manila.
“We never talks about it, speculation ‘yun. Actually kami po, ‘yung aming kompanya sa water started as water provider of Camella Homes. We’ve been into that business for 40 years… later several years ago, they realize na kung nasa community na kami doon might as well serve the community,” sabi ni Villar.
Sinabi ito ng senador sa birthday party para sa kanyang asawang bilyonaryong negosyante na si Manny Villar.
Dagdag pa nito, na ang kanilang operasyon ay para lamang sa mga probinsya.
“Nag-joint venture na sila (PrimeWater) sa mga local water… sa mga bayan-bayan. So we are in the provinces, malayong-malayo kami sa Metro Manila,” ayon pa kay Villar.
Natanong ang senador makaraang personal na dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing pagdiriwang kasabay ng inagurasyon ng Tent sa Global Vista South sa Las Piñas, Huwebes nang gabi.
Dito muling inulit ng Pangulo na susuportahan niya si Villar sakaling tumakbo uli ito sa pagka-pangulo sa eleksyon.