Tinatayang daan-daang motorcycle rider ang nagsagawa ng motorcade sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Avenue sa Quezon City kahapon nang umaga.
Ayon kay Angkas Regulatory and Public Affairs head George Royeca, layunin ng kanilang motorcade na ipakita ang kanilang pagtutol sa temporary restraining order (TRO) ng Korte Suprema na pumipigil sa operasyon ng ‘ride-hailing platform’ na ‘Angkas’, gayundin ang panukalang ‘double plate policy’ o paglalagay ng plaka sa harapang bahagi ng motorsiklo.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District, isinagawa ang motorcade sa northbound lane ng EDSA sa pagitan ng People Power Monument at White Plains.
Hiling ng mga Angkas rider na gawing legal ang motorcycle ride-sharing na siya umanong pinagkukunan ng kabuhayan ng aabot sa 25,000 miyembro nila.
Bukod dito, hinikayat rin ng ilang motorcycle groups ang gobyerno na irekonsidera ang planong paglalagay ng plaka sa harap ng motorsiklo dahil makakaapekto anila ito sa kaligtasan ng motorcycle rider at iba pang motorista.
Paliwanag ng Motorcycle Rights Organization na siyang nag-organisa ng ‘Unity Ride’, kayang sirain ng malakas na hangin ang license plate sa harapan ng motorsiklo, na maaaring magresulta sa pagkasugat ng mga rider at ng iba pang tao sa lansangan.
Una nang nagpalabas ng TRO ang Korte Suprema laban sa desisyon ng Mandaluyong Regional Trial Court na nagbabawal sa mga awtoridad sa pag-aresto sa mga driver ng Angkas habang sa isang panukala sa Senado, inaatasan ang Land Transportation Office (LTO) na mag-isyu nang mas malaki at reflectorized na license plates sa harapan at likurang bahagi ng mga motorsiklo.