Marami ang umaasa, pero longshot daw, kung dadalo itong dating Amb. Danding Cojuangco Jr. sa gaganaping 2016 Amb. Cojuangco Cup ngayong Linggo sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.

Ni minsan ay hindi na nakita pa sa karerahan dito sa Pilipinas itong si Amb. Cojuangco mula nang “manawa” na ito sa local horseracing at tuluyan nang itigil ang kanyang racing operations.

Sa kanyang Gooree Park na lamang nag-concentrate si Amb. ­Cojuangco kasama ang kanyang pamilya at lumago ito bilang isa sa respetadong ­horsebreeding farms at vineyards sa buong Australia.

Labing siyam na taon matapos niyang mabili ang kanyang unang kabayo sa Australia noong 1959, binili niya ang Gooree Park noong 1978 at pinalago ito at umaabot na ngayon sa 5,800 acres ang laki.

Lahat ng mga produce na kabayo rito ay ipinapadala at ipinahahawak nila sa dalawang pinakamatinding horsetrainers sa Australia na sina Gai ­Waterhouse sa Sydney at Lee Freedman sa Melbourne.

***

Narito ang mga deklaradong kabayo para sa Presidential Gold Cup na ini­isponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office:

Gentle Strength, Lakan, Court Of Honor, Dinalupihan, Dixie Gold, Hook Shot, Dewey Boulevard, Low Profile, Tan Goal, Cats Dream, Marinx, Sky Way at Kanlaon.

Magka-coupled entries sina Gentle Strength at Lakan, Dixie Gold at Hook Shot at Cats Dream at Marinx.

***

“Showing” lang daw o “palabas” ang sinasabing paglilinis ng mga daan sa Maynila dahil magpahanggang ngayon ay naghambalang pa rin ang mga ­nakabara sa Zobel Roxas street mula sa hangganan ng Makati ­papuntang Vito Cruz.

Kung sa Divisoria, Quaiapo at iba pang lugar ay nagawang tanggalin ang mga kalat sa daan, bakit hindi nga naman diyan sa Zobel Roxas?