Nagkalat ngayon sa social media ang mga isyung may kaugnayan sa mga politiko.

May ibang halata namang paninira lamang pero mas marami ang naghuhumindig sa katotohanan.

Katulad na lamang ng isang Instagram post kamakailan lamang ng award winning actress na si Sylvia Sanchez.

Nag-shooting ang aktres sa Lungsod ng Malabon para sa pelikula nitong ‘Jesusa’ at katulad ng nakikita na­ting nakabalandra sa social media personal niyang nasaksihan ang nakaririmarim na kalagayan sa Malabon.

Hindi makapaniwala at laking dismaya ng aktres sa nabungarang dagat ng basura sa Ma­labon City na patunay umano ng kawalan ng disiplina at malasakit ng tao sa kapaligiran.

Sa kanyang instagram account, makikita ang larawan ng aktres habang nakasakay sa gawang-kahoy na bangka na hinihila sa lubid para makatawid sa kabilang bahagi ng ilog.

Ayon sa aktres, nakakalungkot dahil hindi tubig-dagat kundi mga itinapong basura ang nakalutang sa ilog na bukod sa sumisira at pumapatay sa kapaligiran ay nag-aamba pa ng panganib sa kalusugan ng mga tao.

Nakita ng aktres ang nakalulungkot umanong kalagayan ng ilog sa Malabon sa ikalawang araw ng kanyang shooting.
Matatagpuan ang maruming ilog sa pagitan ng mga barangay ng Catmon at Tonsuya na kabilang sa mga may pinakamalaking populasyon sa siyudad.

Naka-hashtag din ang isinusulong niyang adbokasiya sa ban sa paggamit ng plastic na pangunahing dahilan ng polusyon sa paligid.

Kahit na ang aktres na si Angelika Dela Cruz na barangay captain sa Barangay Longos sa Malabon City ay nagkomento ng kanyang pagkadismaya sa ipinost ng aktres na mga larawan ng ilog.

“Nakakalungkot naman yan. Walang disiplina ang tao,” ani Dela Cruz.

Sa kalagayang ito sa Malabon, alam kong may malaking pananagutan dito ang mga residente na walang patumangga sa pagtatapon ng basura.

Pero hindi ba’t mayroon naman silang gobyerno na dapat na magpatupad ng istriktong mga programa para hindi mamayagpag ang mga dugyot na residente.

Kumbaga nasa pamumuno rin ang ikatitino ng isang komunidad.

Ano nga ba ang ginagawa ni Mayor Lenlen Oreta sa lungsod?

Anong pagpapatuloy ng adbokasiya ang gagawin niya katulad ng ipinangangalandakan nitong slogan na’ Kinaya natin, ituloy natin’ kung ganito kabaho ang Malabon?

Mukhang nagkamali ng napiling slogan si Mayor Oreta dahil tayong nakikitang pagbabago sa lungsod, ‘yun lang!