May pamatay nang Michael Singletary sa post na itinabi sa higante ring si June Mar Fajardo, nagdagdag pa ng armas ang San Miguel Beer nang tapikin si Jordanian Mahmoud Abdeen para isahog sa squad bago ang playoffs ng PBA Governors Cup.

Sa debut game sa ikalawang tour of duty sa liga kagabi sa Smart Araneta­ Coliseum, nagsumite si Single­tary ng 21 points, 20 rebounds, five assists at tig-isang steal at block para pangunahan ang Beer sa pagtakas sa Meralco, 110-106.

Sa pang-anim na panalo sa walong laro, ginitgit ng SMB ang Ginebra at Mahindra sa second place at nani­guro na ng puwesto sa quarterfinals ng season-ending conference.

Nasa unahan ng pulutong ang TNT KaTropa (7-1) na galing sa 122-120 escape sa GlobalPort sa unang game.

May backup na 24 points at 10 rebounds si Fajardo, naka-19 si Arwind Santos, 18 kay Alex Cabagnot at 13 pa ni Gary David para sa Beer.

Diktado ng SMB ang first three quarters­ pero nakabalik ang Meralco bago naubusan sa dulo at nalaglag sa 5-4. Kinapos ang double-doubles sa Bolts nina ­Allen Durham (34-11), Cliff Hodge (10-15) at Chris Newsome (12 points, 10 assists).

“I’m really expecting this kind of game, hard game,” lahad ni Beermen coach Leo Austria.

“Both teams want to get to the top four. We give emphasis on this game.”

Kay Austria na nanggaling: “We’re a very strong team if everybody works hard both on offense and defense.”

Heto ngayon si Abdeen, 27, dating miyembro ng Jordanian national team.

“He’ll be arriving tomorrow (Huwebes).­ Siguro nasa ere na siya ngayon,” lahad ni Austria sa kanilang Asian import na rekomendado ni dating SMB consultant Rajko Toroman nang coach pa ito ng Jordan.