Excited ang lahat sa panibagong round ng bigtime rollback sa presyo ng petrolyo.
Ngayong naiintindihan na ng tao kung paano nakasandal sa petrolyo ang presyuhan ng iba pang bilihin, hindi lang ang mga motorista ang nagdiriwang sa oil price rollback at umaaray din sa kada taas.
Talagang malaking bagay ang pagbaba ng halaga ng petrolyo, lalo na ng diesel.
Salamat din at naging sensitibo sa hinaing ng tao ang gobyernong Duterte. Pansamantalang suspendido raw ang paniningil ng excise tax sa langis na nakasaad sa TRAIN Law.
Alam na kasi ng taumbayan na ito talaga ang nagpapahirap sa tao ngayon. Kaya gayon na lamang ang pangangalampag na itigil na ang kalbaryong TRAIN Law.
Pero kasabay ng good news na oil price rollback ay ang bad news na taas singil sa kuryente ng Meralco.
Ngayong Nobyembre raw lalatay ang mas mahal na singil sa kuryente. Tamang inis ang tao.
Hindi pa nga nalalasahan ang konting ginhawa sa magkasunod na rollback ay binawian naman agad ng Meralco.
Ang ganda sanang kumbinasyon nitong umento sa minimum wage sa Metro Manila na P25 kada araw at bigtime rollback sa petrolyo. Kaso nga ay sumingit naman ang power rate hike ng Meralco.
Dagdag-bawas lang din sa gastos ang mangyayari. Masyadong nagiging mailap sa mga panahong ito ang lubos na saya ng tao sa bahagya sanang pagluwag ng kanilang bulsa.