Maganda at nakadidismayang balita ang sasalubong sa mga motorista at consumer sa susunod na linggo dahil sa napipintong pagtatapyas ng presyo ng petrolyo habang tataas naman ang halaga ng liquefied petroleum gas (LPG).
Batay sa pagtaya ng Department of Energy (DOE), maglalaro sa halagang P1.70 hanggang P1.90 ang itatapyas sa presyo ng diesel kada litro, P1.90 hanggang P2.10 naman sa kerosene at P0.30 hanggang P0.40 sentimo kada litro naman ng gasolina.
Posibleng maging epektibo sa araw ng Martes ang panibagong rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo na ibinatay sa paggalaw ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Samantala, inaasahan naman ang pagsirit sa presyo ng LPG simula sa unang araw ng pagpasok ng buwan ng Mayo sanhi ng pagtaas ng halaga ng contract price nito sa pandaigdigang pamilihan.
Batay sa pagtaya, maglalaro ng mula P3.00 hanggang P5.00 ang itataas kada kilo ng cooking gas na katumbas ng mula P33.00 hanggang P55.00 sa bawa’t tangke ng LPG na tumitimbang ng 11 kilo. (Edison Reyes)