Dagdag pang tulak sa Bulacan, tutumba sa Setyembre

Hindi inaalis ang posibilidad na marami pang notorious drug pusher sa Bulacan ang mapapatay sa mga lehitimong police operation sa Setyembre sa mas pinaigting na kampanya kontra droga.

Ayon sa Bulacan Police Provincial Office (BPPO)-Malolos City, isang matinding giyera pa laban sa droga ang ilalatag sa susunod na buwan sa hangarin ng Bulacan PNP. Kadikit ito ng kanilang pangakong susugpuin ito bago ang Disyembre at partikular na tututukan ang Bocaue, Norzagaray at Guiginto.

Sa kanilang rekord halos dalawang pusher ang napapaslang dito pagpasok ng Hulyo, hindi pa kasama ang biktima ng summary execution o salvage na ibinibintang sa vigilant group.

Ngunit sa pananaw ng mga kaanak ng mga biktima, mga pulis din ang may kagagawan ng salvaging sa lalawigan at bahagi ito ng plano ng kapulisan para mapuksa ang droga sa 569 Barangay sa Bulacan.

Libong drug users at pushers din sa Bulacan ang sumuko sa Oplan Tokhang kung saan sumasailalim ang mga ito sa rehabilitasyon. Kabilang sa may pinakamaraming sumuko ay naitala sa bayan ng San Miguel, Plaridel, Pandi, Paombong, Norzagaray at Bocaue.