Dapat nang itaas sa pambansang prayoridad ang laban kontra karahasan sa kababaihan sinuman ang manalong Pangulo sa eleksyon ngayong Mayo, ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto.
At para manalo sa labang ito, sinabi ni Recto na kailangang kumilos agad ang susunod na Pangulo at punuan ang 23,820 bakanteng posisyon sa Philippine National Police (PNP). “Kung mapupunuan ang mga bakanteng posisyon na ito, madadagdagan ng 12 bagong pulis kada munisipyo at 41 pulis naman kada siyudad sa buong bansa,” ani Recto.
“Bawat pulis na maidadagdag natin para magpatrulya sa mga komunidad ay nangangahulugan ng kabawasan sa mga kaso ng panggagahasa at iba pang krimen laban sa kababaihan,” dagdag pa ng senador.
Ayon kay Recto, bagama’t napondohan ng Kongreso ang plantilla para sa 174,410 posisyon sa PNP, tanging 150,590 lamang ang napupunuan dito hanggang sa ngayon. “Malaking bagay ang dagdag na pulis. Lahat ng bayan at siyudad sa Pilipinas nagrereklamo na kulang sila sa pulis,” aniya.
Sa pagtaya ng Commission on Population, aabot sa 104 milyon ang kabuuang bilang ng mga Pilipino ngayong taon. (Dindo Matining)