Dagdag ruta ng bus sa NCR inutos ni Duterte

Nais ni Pangulong Rodrigo Dutete na dagdagan pa ang ruta ng mga bus sa National Capital Region (NCR) para may masakyan ang mga manggagawa na nagbabalik trabaho ngayong general community quarantine na sa Metro Manila.

“Ramdam ng Presidente ang hirap ni Juan de la Cruz sa pagko-commute pagkatapos maging GCQ at MGCQ ang mga lugar sa Manila,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa online press briefing nitong Huwebes.

“Nagbigay ng direktiba ang Presidente na dagdagan pa ang ruta ng mga bus na bumibiyahe sa Metro Manila simula bukas,” ayon sa kalihim.

Una nang inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tatlong bus route ang binuksan nito: Monumento-Balagtas, Bulacan; EDSA-Montalban, Rizal; at NAIA Loop) simula ngayong Biyernes para may masakyan ang mga manggagawa at empleyado na apektado ng limitado pang public transportation dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Nabatid na ang mga city bus route na bubuksan sa Hunyo 8, Lunes, ay ang mga sumusunod na lugar: Monumento–Valenzuela Gateway Complex; Gilmore–Taytay; and Monumento–San Jose Del Monte.(Prince Golez)