Iginiit ng grupo ng Bayan Muna na hindi dapat ipasa sa mga consumer ang dagdag singil sa kuryente.
Ayon kay Bayan Muna chairman at senatorial candidate Neri Colmenares, hindi ang mga may-ari ng mga power plant ang dapat kumargo sa dagdag singil.
“Tama lang ito dahil sila naman talaga ang may kasalanan. May kontrata sila to deliver electricity to the public pero ‘di nila naibigay. Kung nasira ang boiler o anumang problema yan, kargo nila dapat. ‘Wag nilang ikarga sa aming consumers,” giit ni Colmenares.
Naniniwala rin si Colmenares na ang mga nagaganap na power shortage ay para takutin lamang ang publiko upang siyang magbayad para sa mas mataas na singil sa kuryente at isulong ang mga kinukuwestiyong kontrata sa kuryente. (Aries Cano)