Apektado ng bangayan sa 2019 national budget ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang mga guro ng pampublikong eskuwelahan at iba pang kawani ng gobyerno.

“Of course nakababahala na Marso na tayo ngunit hindi pa rin napipirmahan at hindi pa rin ma-implement ‘yung 2019 budget,” pahayag ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio sa pulong balitaan kahapon.

Ang isyu pa rin aniya na ginagawang dahilan para hindi maaprubahan ang 2019 national budget ay ang pag-aaway sa pork barrel na naging dahilan ng pagkaantala ng pondo simula pa noong nakaraang taon nang magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Kamara.

Bukod pa umano ang usapin sa mga insertion.

“Ang nakakaantala pa rin ay ‘yung bangayan at turuan ng Senado at Kongreso again doon sa last minute insertion, irregular insertions, unconstitutional and illegal insertions dahil ang lumalabas ngayon nagpapasok pa ng mga pagbabago again sa mga infrastructure projects even after ratification ng both chambers even though supposedly huling akto na ng plenaryo ng dalawang kapulungan ‘yung ratification ng bicameral conference report,” ani Tinio.

Isa sa napupuruhan aniya sa mga ganitong paandar ay ang mga guro ng pampublikong eskuwelahan at iba pang kawani ng gobyerno.