Dagdagan ang mental hospital

Tanging sa Metro Manila at mga malalapit lang na probinsya ramdam ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga dahil sa mga malalayong probinsya, mukhang hindi naman daw.

Kung pagbabasehan ang mga report, sa Metro Manila, Bulacan, Nueva Ecija at Cavite lang may mga report na napapatay ng mga vigilantes na pinaghihinalaang drug addict at drug pushers.

Bihira kang makabasa ng mga report na may itinumba ang vigilantes sa mga malalayong probinsya na gumagamit ng iligal na droga o kaya nagtutulak ng bawal na gamot.

Kaya kung babasahin mo ang mga nangyayari ngayon, sa Metro Manila at mga malalapit na probinsya lang nagko-concentrate sa giyera kontra sa iligal na droga, lalo na ang mga pulis.

Ang sabi sa mga report, 95% sa mga barangay sa buong bansa ay napasok na ng sindikato ng droga pero ang mga pulis lang sa Metro Manila ang aktibo sa kampanya laban sa iligal na droga.

Ibig bang sabihin nito na ‘yung mga nasa probinsya na addict at pushers ay nagbagong buhay na? Mabuti naman kung ganun, dahil kung baguhan lang daw naman ang mga users sa bisyo, madali lang naman daw nilang maiwasan.

Tingnan mo ‘yung mga taga-probinsya na sumuko sa tokhang at na­ngakong magbagong buhay na binigyan ng trabaho, umiwas na sila sa bisyo at magandang senyales ‘yan na kayang magbago ang isang tao kung bibigyan mo ng isa pang pagkakataon.

Puwera lang ‘yung mga talamak na talaga sa bis­yong ito o matagal nang gumagamit na mahihirapan na raw talagang magbago kaya kahit laging nasa rehabilitation center ay talagang hindi na magbabago.

Kung baga, sunog na ang utak nila sa iligal na droga at ang sabi ng ilan, sira na ang ulo kaya kung ituring sila ay mentally ill o may sakit na sa utak na hindi raw kayang baguhin ng rehabilitation center kundi kailangan nang ipasok sa mental hospital.

Kung gayun, dapat dagdagan din ng gobyerno ang mga mental hospital sa ating bansa kung ang mga drug addict ay ituturing nating baliw o sira na ang ulo, at huwag lang puro rehabilitation center.

Puro pagpapatayo ng rehabilitation center lang tayong nakatutok, eh may mga nag-iisip na ang mga adik ay nakakaranas na ng sakit sa pag-iisip, kaya hindi lang dapat rehabilitation center ang itayo kundi mental hospital na kung ganun.

Wala akong datos kung ilan ang mental hospital sa bansa maliban at palagay ko, kung mayroon man ‘yan sa mga probinsya ay hindi kayang i-accomodate ang mga adik na sira na ang ulo.

Siya nga pala, kumusta naman ‘yung mga pulis na sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga?

Nasaan sila at ano ang ginawa sa kanila ng Philippine National Police (PNP)? Wala na tayong balita sa kanila kasama ‘yung mga mala­laking drug lord na maiiksi ang pangalan.

Sabi ng isang kongresista, kaya lumala ang iligal na droga sa bansa ay dahil din sa mga tiwaling miyembro ng PNP na kung hindi nag-recycle ng mga nahuhuling shabu ay sila mismo ang nagbibigay proteksyon sa mga tulak. Dapat ding malaman ng mga tao kung anong parusang ipinataw sa kanila, kung meron man. (dpa_btaguinod@yahoo.com)