Bumili ng mga mamahaling cellphone at tablet para sa kanilang mga halal na opisyal at mga department head ng city hall ang pamahalaang lungsod ng Dagupan, Pangasinan na umaabot sa P1.41 milyong halaga, ayon sa Commission on Audit (COA).

Nakasaad ito sa 2018 Annual Audit Report ng COA kung saan bukod umano sa mga halal na opis­yal at mga department head, apat na city employee ang binigyan din ng mga mamahaling cellphone kahit hindi naman sila dapat bigyan nito.

Lumalabas din umano sa audit record na ang mga nabanggit na opisyal ay binigyan ng anim na government-owned smartphone simula pa noong 2014.

“Those high end communication equipments requested and issued to some city officials and employees for almost every year is considered excessive and unnecessary expenditures, which are not allowable in audit,” sabi ng COA.

Kaugnay nito, inatasan ng COA ang pamahalaang lungsod ng Dagupan na itigil ang nasabing gawain na pagbili ng mga mamahaling cellphone at tablet, at utusan ang mga dating city executive at iba pang binigyan ng higit isang unit ng gadget na ibalik o bayaran nila ito.

Nakasaad naman sa COA report na inatasan na ng noo’y Mayor Belen Ferna ang city legal officer na magpadala ng demand letter sa mga binigyan ng mamahaling gadget at nasa limang katao na umano ang nagbalik ng kanilang unit. (Yves Briones)