Dagupan City, zero COVID-19 na

Ipinagmalaki ng Dagupan City local government unit (LGU) na zero na sa coronavirus disease-19 (COVID-19) ang nasabing siyudad mula noong Biyernes.

Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, COVID-19 focal person ng lungsod, ito’y matapos maka-recover ang apat pang natitirang mga COVID-19 patients na naka-confine sa Region 1 Medical Center (R1MC) simula pa noong nakalipas na buwan.

Sinabi ni Rivera na ang naturang mga pasyente ay pawang nagpositibo noong Abril subalit lumabas na clear na sa virus base na rin sa kalalabas na resulta ng kanilang ikalawang swab test.

Samantala, agad namang umapela si Dagupan City Mayor Marc Brian Lim, sa mga Dagupeño na huwag magpakakampante kahit nakamit na ng lungsod ang naturang estado dahil sa posibilidad na muling magkaroon muli nito lalo at nasa 25 hanggang 30 percent na apektado ng COVID-19 virus ay mga asymptomatic o hindi nagpapakita ng sintomas. (Allan Bergonia)