Sumasakit na ngayon ang ulo ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs dahil sa halip na maagapan ay lalong uminit ang isyu sa gusot na nilikha ng rescue operations sa mga distressed overseas Filipino worker sa Kuwait.
Mantakin mong dahil sa viral video na inilabas ng mga maeepal na langaw sa social media ng Department of Foreign Affairs, namiligro ngayon ang relasyon ng Pilipinas at Kuwait at pinapalayas na ang Philippine Ambassador sa Kuwait.
Kung nag-isip man lamang sana ng konti ang mga inutil at maepal na langaw na nag-upload ng video kung makakatulong ba o makasasama sa gobyerno ang nakunang video ay wala sana ngayong problema ang Pilipinas.
Panay kasi pasipsip ang nasa utak ng inutil na nag-upload ng video at hindi muna ginamit ang kukote kaya hayan tuloy, napahamak na ang mga opisyal ng gobyerno.
Mismong ang RTVM ay hindi inilabas ang video footage dahil alam na sensitibo ang rescue operations pero itong pabidang tungaw ay inakalang makaka-pogi points ang ginawa niya.
Sari-saring reaksiyon at galit ang mga opisyal at mamamayan ng Kuwait dahil mistulang pinagmukha umano silang halimaw sa kanilang mismong pamamahay nang saklolohan ang mga kasambahay na mga Pinay.
Maski si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ay nagulat sa pagpapatalsik kay Ambassador Renato Villa dahil personal niyang kinausap at humingi pa ng sorry kay Kuwait Ambassador to the Philippines Musaed Saleh Ahmad Althwaikh noong Martes.
Nabaligtad na ngayon ang sitwasyon dahil ang Pilipinas ang sinuyo noon ng Kuwait at pinakiusapan na alisin ang deployment ban matapos ang malagim na pagkamatay ni Joanna Demafelis, pero ngayon, ang gobyerno na ang nataranta dahil pinapalayas na ang ambassador sa Kuwait at idineklara pang persona non grata.
Hindi rin umubra ang Duterte Diplomacy Style o DDS ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kabila ng pahayag ng Malacañang na naplantsa na ang gusot matapos makausap ng Pangulo si Ambassador Saleh ay bumulaga kinabukasan ang pagpapatalsik kay Ambassador Villa sa Kuwait.
Ang tanong ngayon ng mga Filipino, uubra pa kaya ang ipinadalang sulat ng DFA sa Kuwait?
May mga mambabatas na nagmungkahing patalsikin din ang Kuwait Ambassador sa bansa, pero huli na dahil nakasibat na ito noong Miyerkoles pabalik sa kanyang bansa.
Dahil sa mga bagong development, umaasa ngayon ang gobyerno na malinawan ang lahat at matuloy pa rin ang kasunduang nakatakdang lagdaan ng dalawang bansa para sa kapakanan ng mga OFW sa Kuwait.
Sabi nga ni Cayetano: “Hoping for the best but also preparing for the worst.”