Sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19) at patuloy na pagtaas ng bilang ng tinamaan nito, nagsagawa ng mga hakbang ang iba’t ibang institusyon para makaiwas sa sakit.
Kabilang dito ang pagsuspinde ng Immaculate Concepcion Cathedral sa Cubao sa kanilang mga lenten activity gaya ng Senakulo, recollection at Barangay Stations of the Cross dahil sa mga napaulat na paglaganap ng local coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Ilang university online ang klase
Nag-anunsyo na ang ilang unibersidad na isasagawa na ang online class kasunod ng pagkansela sa tradisyunal na klase simula kahapon, Marso 10 hanggang sa Marso 14.
Sa isang sulat sa University of the Philippines Diliman Community kahapon, sinabi ni UP chancellor Fidel Nemenzo na bukod sa pagsasagawa ng online class, ipagbabawal muna ang mga official travel at kanselado na rin ang mga malalaking event sa campus.
Kinansela na rin ng Senior High School ng Ateneo de Manila University na ang final exams na naka-schedule sana para sa Marso 12 hanggang 13 at ibabase na ang grado ng mga estudyante sa kanilang class standing.
Ang mga estudyante naman na nanganganib bumagsak ay bibigyan ng assessment at aabisuhan ng lang ng paaralan tungkol sa mga susunod na hakbang na gagawin.
Nagsasagawa na rin ang Pamantasan ng Lungsod ng Marikina ng online classes para iwas COVID-19.
Estudyante ‘wag papasukin sa mall, sinehan
Hinimok kahapon ng Malacañang ang mga mall at sinehan na huwag papapasukin ang mga estudyanteng maglalakwatsa ngayong dineklara ang suspensiyon ng klase dahil sa banta ng COVID-19.
“I am appealing to them. Kasi nga kailangan tayong magtulungan eh. All of us should do something. We should be creative,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo.
CSC exam kanselado
Nag-anunsyo rin ang Civil Service Commission (CSC) na kanselado ang Career Service Examination-Pen and Paper Test na gagawin sana sa Marso 15 kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na sasailalim ang buong bansa sa State of Public Health Emergency.
Gagawin sana ang exam sa 66 testing location nationwide at may kabuuang 293,845 na examinee. Iaanunsyo naman ng CSC kung kailan itutuloy ang pagsusulit.
Maging ang iba pang ahensya ng gobyerno ay nagpatupad na rin ng pag-iingat para sa COVID-19.
Sa New Bilibid Prison (NBP), sinuspinde muna sa loob ng isang linggo ang pagbisita sa lahat ng kulungan ng Bureau of Correction (BuCor). Inatasan din ang lahat ng preso na maglinis ng kani-kanilang selda upang maiwasang dumapo sa kanila ang anumang sakit.
Oras-oras na pag-disinfect sa MRT, LRT, PNR
Tiniyak ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na ligtas ang lahat ng mga bumibiyaheng tren ng Metro Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT) at Philippine National Railways (PNR).
Oras-oras ang pagsasagawa ng paglilinis at pag-sanitize sa loob at labas ng mga tren, maging sa loob ng mga comfort room para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Kanya-kanyang hakbang ang ginagawa ng pamunuan ng mga tren tulad ng paglalagay ng alcohol sa mga ticket window, at sabon sa mga restroom.
Maging ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Council (MMC) ay bumuo na ng technical working group na magbabalangkas ng polisiya hinggil sa social distancing measure o pag-iwas sa mga matataong lugar upang maibsan ang paglaganap ng COVID-19.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, ang nabanggit na polisiya sa pamamagitan ng ilalabas na resolusyon ang siyang magiging basehan ng 17 local government unit sa Metro Manila upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. (Dolly Cabreza/Juliet de Loza-Cudia/Eileen Mencias/Riz Dominguez/Armida Rico/ Vick Aquino)