Napatili si Janine Gutierrez nang tanungin namin kung sinong mas masarap humalik kina Enchong Dee at Rayver Cruz.
Si Enchong kasi ang kapareha niya sa pelikulang “Elise” at meron silang kissing scene.
Si Enchong ay isa sa mga best friend sa showbiz ng rumored boyfie ni Janine na si Rayver.
“Si Enchong kasi, in character. So, hindi natin alam kung ganu’n talaga siya (humalik) sa totoong buhay,” nakangiting sey ng gandarang Kapuso actress.
Kamusta ba ang kiss ni Enchong na in character?
“Okey naman. Sweet, sweet ‘yung kiss. Parang loving talaga siya na kiss.”
Eh ‘yung not in character na kiss ni Rayver, kamusta naman?
“Ay!! ‘Nay Lolit, help! Wala akong masagot ‘Nay, eh!” baling ni Janine sa katabi niyang si Tita Lolit Solis, na may mga panaka-nakang hirit tungkol sa mga lalaking naugnay kay Janine.
Magpinsan sila ni Enchong sa “Lila,” ang indie film na una nilang pinagtambalan. Sa “Elise” ng Regal Films ay magkababata sila na naging magkasintahan.
Kinabahan daw si Janine sa kissing scene nila ni Enchong dahil lagi naman siyang kinakabahan kapag may ganu’n siyang eksena.
Aminado ang 29-anyos na dalaga na wala siyang masyadong mga showbiz friend at isa si Enchong sa mga nakakasama niya outside of work mula nang magkatrabaho sila sa “Lila.”
Kaya raw may hirit ito na before Rayver, there was Enchong. Dahil nga very close ang dalawa, nagbiro raw si Ray na mag-ingat siya kay Enchong.
Kay Miss World-Philippines 2017 Laura Lehmann may love scene si Enchong sa “Elise,” hindi kay Janine.
Si Janine ay nakipag-bed scene na before kay Benjamin Alves sa indie film na “Dagsin” at sobra raw siyang kinabahan na gustong maiyak, pero pinakalma siya ni Ben at ang wholesome ng kanilang love scene.
Bukod kay Enchong ay best friend din ni Rayver si Gerald Anderson.
Nakasama na raw ni Janine ang tatlo mga few times na. Na-meet na rin niya si Bea Alonzo, na maliban sa girlfriend ni Gerald ay sobrang close din kay Enchong.
Always with friends ang mga pagkikita nila.
Okey ba sa kanya na mag-double date sila if ever? JanVer at BeaRald, hindi na kasama si Enchong dahil wala naman itong girlfriend.
“Opo, I think masaya. Sobrang busy lang si Ray,” naka-smile na sagot sa amin ni Janine.
Chika ba sila ni Bea?
“Yeah, mabait po si Bea eversince.”
Ano bang plano nila ni Rayver sa darating na Valentine’s Day?
“I think taping, eh. Pero hindi ko alam kung may ibang plano.”
Kung free sila pareho, hindi raw alam ni Janine dahil ‘yung guy dapat ang nagpaplano. Kung siya ang tatanungin ay gusto niyang mag-beach.
Last year ang una nilang Valentine’s together ni Rayver, pero hindi niya maalala kung anong ginawa nila. Malamang nag-dinner lang daw sila.
Ang dream date niya raw talaga ay mag-Amanpulo dahil gusto niya talagang makapunta du’n.
In fairness ay ma-surprise daw si Rayver, pero sa mga araw na hindi mo ine-expect.
Like nu’ng Christmas two years ago na nag-Hong Kong silang family, tapos ay bigla na lang sumunod doon si Rayver.
‘Yung Christmas nila sa US last year ay kasama talaga si Rayver, so hindi ‘yon surprise.
‘Sobrang hot’ ang description ni Janine sa “Elise” leading man niyang si Enchong kaya eversince daw ay crush ito ng mga friend niya at maging ng mga sister niya.
Puring-puri niya si Enchong na sobrang bait daw, responsable, business-minded at matalino kaya marriage material daw ito.
Hindi lang isa ang kissing scene nila sa romcom na “Elise” dahil mag-first boyfriend-girlfriend sila sa story, na nagkahiwalay at nagkita ulit nu’ng college.
Inspired by a true story ang pre-Valentine movie na ito ng Regal Films na ipapalabas sa February 6 in cinemas nationwide.