Daing, mga pagkaing maalat bubuwisan

Para makaiwas sa hypertension, sakit sa puso at kidney, pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) na patawan ng buwis ang mga pagkaing maaalat na nakakasira sa kalusugan.

Sinabi ni DOH Undersecretary Eric Domingo sa press briefing sa Malacañang na kapag nabuwisan ang mga maaalat na pagkain ay hindi malayong magkaroon ng positibong resulta sa kalusugan ng mga Pilipino.

Pinag-aaralan pa lamang aniya ng DOH ang mungkahi pati na rin ng World Health Organization (WHO) para magkaroon ng gabay ang iba’t ibang bansa kasama na ang Pilipinas.

“I think it was brought up as a suggestion kasi ang salt is directly correlated to hypertension, heart disease, kidney di­seases. So, ito ‘yung iniisip natin na pag-aralan na pagtataasan natin ang buwis sa salted food, maaaring magkaroon ito ng positive na outcome sa ating mga kalusugan. Wala pa naman ano…there’s nothing concrete right now but it’s something the Department of Health is studying,” ani Domingo.

Kabilang sa mga posibleng buwisan ay ang daing, instant noodles na tadtad ng asin, de lata at mga junk food o chitchiria.

“I think in the mainstream, baka processed food – mga noodles na maalat, mga de lata, ‘yan ang mauuna kasi ‘yan ang madaling baguhin kasi ng FDA… na magkakaroon ho tayo ng tinatawag na labe­ling change,” dagdag pa ni Domingo. (Aileen Taliping)