Dalaga, 2 lalaki pinagbabaril sa Taguig

barilan

Nasawi ang tatlong katao na hindi pa malaman kung magkaano-ano makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa tinitirhan nilang bahay sa Brgy. Ususan, Taguig City kahapon ng umaga.

Namatay noon din sanhi ng mga tama ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktimang sina Jennifer Gerona, 30-anyos, dalaga, walang trabaho; Jomar Marinay, 27, binata, canteen helper; at isang lalaki na nakilala pa lang sa alyas na ‘Jojo.’

Sa isinumiteng ulat ng tanggapan ni Sr. Supt. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, dakong alas-5:55 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril.

Base sa salaysay ng saksi na si Jeremy ­Santos, 19-anyos, unang pinagbabaril ng mga suspek ang biktimang si Jojo habang nakaupo ito sa labas ng kanilang bahay sa No. 135 NP Cruz Ibayo, Brgy. Ubusan.

Nang duguang bumulagta si Jojo ay pumasok sa loob ng bahay ang mga suspek at pinagbabaril din ang dalawa pang biktima na natutulog pa nang mga oras na iyon.

Matapos masiguro na wala nang buhay ang mga biktima ay mabilis na sumakay sa kanilang motorsiklo ang dala­wang suspek saka tumakas.

Ayon kay Santos, nagsasagawa pa sila ng masusing imbestigasyon sa nasabing insidente ng pamamaril.

Inaalam na rin kung may closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar at kung nahagip ang pamamaril para matukoy ang mga suspek.

Wala naman aniyang makapagsabi sa mga kapitbahay kung may mga iligal na gawain ang mga biktima.