Arestado ang dalawang­ parking attendant at isang babae na dating nakasuhan sa droga at nakumpiskahan ng 73 pakete ng instant noodles na may lamang shabu sa buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Makati City Police sa labas ng Makati City Jail kahapon.

Kinilala ni P/Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang nadakip na sina Rogelio Pagulayan Jr., 31, binata, ng Makati City; Marcelo Gonzales, 20, at si Vanesa­ Claudio , 35, jobless, dala­ga, ng Brgy. Bangkal.

Sa report ni Simon, ala-1:30 ng hapon nang ikasa ang operasyon ng mga tauhan ng DEU sa pangunguna ni P/Lt. Jason Vigilla sa harap ng Makati City Jail ng Bureau of Jail Managament Penology (BJMP)
sa Lawton Ave., Brgy. Northside, Makati City.

Ayon kay Simon, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa aktibi­dades ng mga suspek na magbebenta at magpapasok umano ng droga sa nasabing piitan.
Hanggang sa bumuo ng team si Simon at isina­gawa ang operation.

Nagpanggap na poseur buyer ang isang tauhan ng DEU at bumili ng P1,000 halaga ng droga.

Aktong iaabot na ng mga suspek ang nasabing droga na itinago sa isang pakete ng instant noodles nang dakpin ang mga ito.

Nakumpiska sa mga suspek ang 73 pakete ng instant noodles na naka­silid sa loob ang droga.

Kabilang sa mga nakumpiska ang 10 pakete ng beef noodles, 9 na chicken, 9 pork na ‘Lucky Me’ na may nakasi­lid na plastic sachet ng droga na nagkakaha­laga ng P28,000. ­(Armida Rico)